HomeLoginMovie ScheduleNewsStatisticsPreferenceBox OfficeHelp

Ogie Alcasid successfully stages "Twenty/Twenty" at the Big Dome

Ipinagdiwang ng singer-songwriter na si Ogie Alcasid ang kanyang 20th anniversary sa showbiz sa pamamagitan ng isang major concert na pinamagatang Twenty/Twenty kagabi, September 27, sa Araneta Coliseum. Minsang pang pinatunayan ni Ogie ang kanyang ha...

Apr 20
 

Ogie Alcasid successfully stages "Twenty/Twenty" at the Big Dome

Singer-songwriter Ogie Alcasid celebrated his 20th anniversary in showbiz through a major concert titled Twenty/Twenty last night, September 27, at the Araneta Coliseum.

Author: Erwin Santiago

Ipinagdiwang ng singer-songwriter na si Ogie Alcasid ang kanyang 20th anniversary sa showbiz sa pamamagitan ng isang major concert na pinamagatang Twenty/Twenty kagabi, September 27, sa Araneta Coliseum.

Minsang pang pinatunayan ni Ogie ang kanyang hatak sa mga tao nang punuin niya ang Big Dome sa kabila ng malakas na buhos ng ulan. Sa loob ng dalawa't kalahating oras ay nagbalik-tanaw ang singer-songwriter sa kanyang dalawampung taon sa mundong nagbigay sa kanya ng katanyagan.

Ang nakalagay na oras sa ticket ay 8.pm. ngunit ilang minuto bago alas-nuwebe na nagsimula ang concert.

Nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng Twenty/Twenty ang tugtugin ng mga pinasikat na awitin ni Ogie mula sa FILharmoniKA sa pangunguna ng conductor nitong si Gerard Salonga, na siya ring nagsilbing musical director that night. Habang ipinapakita sa giant screen ang collage ng mga celebrities na kumakanta ng sikat na awitin ni Ogie na "Nandito Ako."

Sa kalagitaan ay ipinagpatuloy ni Ogie ang awitin habang nagpi-piano. Pero iniba niya ang lyrics upang pasalamatan ang lahat ng nagsidalo sa kanyang concert.

Sinundan niya agad ito ng isang fast number sa pamamagitan ng "Sumayaw, Sumunod" ng VST & Co. na ni-remake ni Ogie.

Pagkatapos nito ay inawit niya ang kanyang current No. 1 single na "Kung Sakali Man" mula sa kanyang latest album na The Great Filipino Songbook. Ang naturang awitin ay unang pinasikat ng '70s singer na si Pabs Dadivas.

Nagbalik-tanaw naman si Ogie sa kanyang pagsisimula sa music industry noong taong 1988, kung saan nag-release siya ng dalawang singles at isa na rito ang "Ako'y Iyong-Iyo," na ni-rearrange ni Ogie para bigyan ng panibagong flavor. Dito sa number na ito ay sinamahan siya ng unang dalawang guests niya na si Nyoy Volante at si Joey Generoso ng Side A band.

Nagbigay-pugay rin si Ogie sa kanyang kakontemporaryo sa pamamagitan ng isang medley kasama sina Dennis Trillo at Lovi Poe. Ilan sa mga sikat na awitin at komposisyon na kinanta nila ay ang mga sumusunod: Neocolors (I'll Never Let you Go"), Jamie Rivera ("I've Falling For You"), Dingdong Avanzado ("Maghihintay Sa 'yo"), Rannie Raymundo (Why Can't It Be").

FUN WITH JANNO. Sinundan ito agad ni Ogie ng "I Believe In Dreams" na naging hudyat sa pagpasok ng singer at composer nito na si Janno Gibbs. Pagkatapos kumanta ng magkaibigan ay nagpakuwela sila sa pamamagitan ng kanilang nakakatawang spiels.

Biro ni Janno kay Ogie: "Pare, 20 years, congratulations...at kumpleto sila, ha!" Pero pinigil na siya agad ni Ogie at baka kung ano pa raw ang masabi niya.

Twenty years na si Ogie sa showbiz at 20 years na rin silang magkaibigan ni Janno. Pero biro ni Ogie, "At 20 years na tayong naggagamitan!"

"Totoo 'yon!" biro rin ni Janno.

Pagkatapos nito ay ginawa nila ang isa sa pinakaaaabangang segment nila sa SOP, ang "Sobrang OJ," kung saan ginawa nilang biro ang kanilang pagkakaibigan in the tune of APO Hiking Society's "Awit ng Barkada."

Binigyan din ng "homage" ni Ogie ang kanyang mga magulang, na nasa harapan lang ng audience, sa pamamagitan ng isang original composition na pinamagatang "Shine." Kasamang kumanta ni Ogie rito ang 10 finalists ng Pinoy Idol, kung saan naging isa siya sa judges.

Sa dalawang magkahiwalay na numbers ay nagsayaw ang Kapuso stars na sina Marian Rivera at Iza Calzado. Ginawan ng areglong samba ang "Dito Sa Puso Ko" ni Ogie habang sinasayawan siya ni Marian, samantalang interpretative dance naman ang ginawa ni Iza habang kinakanta ni Ogie ang "Kung Mawawala Ka," na title din ng kauna-unahang soap ni Iza sa GMA-7.

Inawit naman nina Jaya, Kyla, at Zsa Zsa Padilla ang mga kanta ni Ogie na ginawang theme song sa pelikula: "Sa Piling Mo" mula sa pelikulang Captain Barbell starring Bong Revilla, Regine Velasquez, and Ogie; "Paano Kita Iibigin" from the movie of the same title starring Piolo Pascual and Regine; and "Mahal Kita, Walang Iba" from the movie of the same title starring Christopher de Leon and Kris Aquino.

PIOLO ROCKS ARANETA. Dumagundong naman ang buong Araneta nang lumabas si Piolo Pascual. Hindi magkamayaw ang mga tao sa kakatili at kakapalakpak para kay Piolo. Nag-duet sila ni Ogie ng komposisyon nitong "Ikaw Ang Aking Pangarap."

Inamin ni Ogie na nahirapan siyang ibigay ang naturang kanta sa ABS-CBN, na siyang nagpagawa sa kanya nito. Gustung-gusto raw kasi ni Ogie ang kanta, pero wala na raw siyang magagawa dahil bayad na raw siya para dun.

Nakakatuwa ang ginawang lyrics ni Ogie para sa kanyang mga sponsors to the tune of "Low" at isa ito sa well-applauded numbers niya.

Binigyan din ni Ogie ng importansiya ang kanyang TV career sa papamigitan ng pag-i-impersonate nila ng mga kasamahan niya sa Bubble Gang--na magti-thirteen years na sa ere--na sina Michael V. at Rufa Mae Quinto. Kuwelang-kuwela ang number ito sa audience dahil complete costume talaga ang tatlong Bubble Gang mainstays sa kanilang panggagaya kina Madonna, Michael Jackson, Boy George, Cyndi Lauper, Prince, at ng Wham.

MOST TOUCHING PARTS. Pagkatapos nito ay naging seryoso naman ang tema ng concert nang ipinalabas sa giant screen ang isang short film/music video na pinagbibidahan nina Ogie at Judy Santos. Sa naturang short film, na idinirek ni Dante Nico Garcia ng Ploning, ginagampanan nina Ogie at Judy Ann ang dalawang tao na may bawal na pag-ibig. May asawa si Ogie at si Judy Ann ang kanyang boss at karelasyon.

Maganda ang pagkakagawa ng maikling pelikula na lalong nagpaantig ng damdamin sa live rendition ni Ogie ng awiting "Ikaw Sana," na siya ring pamagat ng ginawa nila ni Judy Ann.

Pagkatapos nito ay sinabi ni Ogie na natupad na ang kanyang pangarap na maging leading man at si Judy Ann pa ang kapareha niya. Ngunit para kay Ogie, isa lang ang kanyang leading lady at ito ay walang iba kundi ang kanyang kasintahan sa totoong buhay na si Regine Velasquez.

Ito na rin bale ang nagsilbing introduction ni Ogie kay Regine. Nag-medley sila ng mga awiting nilikha ni Ogie na si Regine ang kumanta o ginawan nila ng duet: "Hanggang Ngayon," "Kailangan Ko'y Ikaw," "Pangarap Ko Ang Ibigin Ka," at "Magpakailanman." Karamihan ng mga ito ay naging titulo at theme song din ng mga pelikula ni Regine.

Habang kumakanta sina Ogie at Regine ay ipinapakita naman sa screen ang ilang mga pribadong larawan nila na kagabi lamang nakita ng publiko. Very sweet sina Ogie at Regine sa mga ipinakitang larawan na parang naging simbulo ng paghahayag nila ng kanilang pagmamahalan sa isa't isa.

Tinapos nina Ogie at Regine ang kanilang awitin sa pamamagitan ng lips to lips.

Nakakatuwa rin na habang kumakanta sila ay ipinakita sa screen ang mukha ng asawa ni Ogie na si Michelle Van Eimeren, na nakangiti lamang habang pinapanood sila. Kasama ni Michelle sa harapan ng audience ang mga anak nila ni Ogie na sila Leila at Sarah.

Itinuon naman ni Ogie ang kanyang pansin sa kanyang dalawang anak at sa kanilang ina na si Michelle. Pinasalamatan ni Ogie ang dating asawa sa pag-aalaga sa kanilang mga anak sa mga panahong wala siya. Nagpasalamat din si Ogie kay Mark--ang sinasabing Australyanong boyfriend ni Michelle--sa pag-aalaga rin sa kanyang mga anak.

Dito na tinawag ni Ogie sina Leila at Sarah sa gitna ng stage, pero si Leila lang ang sumama dahil nahihiya si Sarah. Kinanta ni Ogie ang "I Will Be Here" para sa kanyang mga anak na nagpaantig sa damdamin ng karamihan sa audience, partikular na si Michelle na hindi napigilang lumuha.

Pagkatapos nito ay nag-duet si Ogie at si Mr. Pure Energy Gary Valenciano para sa mga awiting "Ikaw Lang" at "Kailangan Kita," na parehong komposisyon ni Ogie.

Tinapos ni Ogie ang kanyang concert sa pamamagitan ng pag-awit niya ng "Nandito Ako" at "Sa Kanya."

Mag-aalisan na sana ang mga tao nang bumalik si Ogie para sa kanyang encore at binanatan niya agad ang isa pa niyang hit song, ang "Bakit Ngayon Ka Lang." Sa puntong ito ay nagmistulang malaking dance party sa loob ng Araneta nang mag-medley si Ogie ng Rick Astley songs at '70s dance hits.

Nagulat ang marami nang tinawag ni Ogie para sa kanyang '80s medley si Roderick Paulate, na nagpasikat dito sa Pilipinas ng Rick Astley dance move.

Sa puntong ito ay nakatayo na ang karamihan sa audience at nakisayaw na rin kay Ogie.

STAR-STUDDED CONCERT. Almost 30 artists ang naging guests ni Ogie sa kanyang Twenty/Twenty concert. Bagamat inabot ng dalawa't kalahating oras ang concert ay hindi naman nainip ang mga tao dahil sa ganda ng bawat numbers na pinaganda lalo ng mga guest artists ni Ogie.

Pinatunayan din ni Ogie ang kanyang husay sa pagpe-perform at ni minsan ay hindi siya nakitaan ng pagkapagod. Damang-dama ang kasiyahan ni Ogie sa kanyang concert dahil sa pagdating ng napakaraming tao, na aniya ay hindi niya inaasahan.

Ilan sa mga celebrities na namataan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay ang mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torress-Gomez kasama ang anak nilang si Juliana at ang kapatid na lalake ni Lucy; si Lea Salonga at ang asawa nitong si Robert Chien; John Estrada with girlfriend Priscilla Meirelles; ang kapatid ni Regine na si Cacai Velasquez kasama ang mister na si Raul Mitra; Sherilyn Reyes and husband Chris Tan and their son; Beth Tamayo and husband Johnny Wong.

Nandun din sina Marvin Agustin; Gelli de Belen; John "Sweet" Lapus; Arnold Clavio; Ben Chan; Joanna Ampil; GMA Films President Annette Gozon-Abrogar; GMA-7 executives Wilma Galvante and Marivin Arayata; Celebrity Duets contenders Phil Younghusband, JL Cang, and JC Buendia; Ruby Rodriguez and Diana Meneses of Eat Bulaga!; at ang mga magulang ni Regine.

Ang Twenty/Twenty ay idinirek nina Rowell Santiago (live) at Louie Ignacio (TV coverage).

Source: Philippine Entertainment Portal